Rene Villanueva (1954-2007)
Tagapagtatag at Artistic Director
Kumpisal ng isang Guro bilang Mag-aaral
Ngayon ko lang ipagtatapat ito: Akala ng mga kaibigan ko sa Telon,tinuruan ko silang magsulat ng dula. Pero hindi nila alam, ako ang natuto mula sa kanila.
1983 nang itatag namin ang Telon Playwrights Circle, matapos ang
playwriting workshop na itinaguyod ng U.P. Student Council. Tila lahat kami’y nakatagpo ng kapatid na mahilig ring kumain; makipag-kuwentuhan; at manood, magbasa at paminsan-minsa’y magsulat ng dula. Matapos ang ilang linggo, nagpasya kaming pormal na buuin ang samahan at itatag ang Telon Playwrights Circle. Sa maliit na kuwarto namin sa UP Bliss kami regular na nagkikita-kita at nagdadaldalan, nagtatarayan, nagkakainitan ng ulo kung minsan. Hindi maiwasang mapika sa isa’t isa kung minsan, pero laging nagtatangkang unawain ang kanya-kanyang idiosyncracies.
Madalas din kaming sama-samang kumain sa UP Hostel at maglakad sa
ilalim ng malalagong akasya at kabalyero ng Diliman. Nasaksihan namin
ang pagkakagulang at pagbabago ng estado ng isa’t isa. May mga umibig
at nabigo, at muling umiibig nang parang walang kadala-dala. May mga
nakasulat ng dula, may naging makata, may iba ang pinagkadalubhasaan.
Marami kaming karanasang hindi marahil namin mararanasan kundi dahil
sa samahan. Nagtanghal din kami ng dula. Nagsanay ng mga estudyante.
Sumabak sa iba’t ibang gawain sa produksiyon, kahit sa simula’y wala
kaming alam kung paano iyon gagawin.
Ang panahon namin sa Telon ay panahon ng pagkakagulang. Kaya bawat
munting sugat at karampot na tuwa ay nakintal sa aming gunita. Hindi
espesyal dahil likas na ganoon, kundi nahahanda kaming magkaroon ng
makikintal na karanasan. At marami kaming kaalamang natatak sa aming
kamalayan.
Lalo ang kaalaman tungkol sa dula. Ang totoo, hindi ang mga teknikal na
aspekto sa pagkatha ng dula ang natanim sa isip ko, kundi mga kamalayan
tungkol sa buhay. Paano magtiwala. Paano mabigo at muling umasa. Paano
bumangon at hindi kaagad-agad mawindang sa maraming karaniwang
pagsubok ng buhay. Paano bumuo ng tauhan at magpakatao. Paano
magpahalaga sa iba at sa kaligayahan. Marami sa halagahan ko ngayon ang
malilingon ko sa aming samahan, malay man kami o hindi.
Masasabi ko ring hindi lang ako nakatagpo ng mga kakilala at kaibigan,
nabigyan ako ng Telon ng pagkakataon na magkaroon ng mga kaibigang
panghabambuhay. Oo, mayroon ding mga pagkakaibigang pinutol at
tinalikuran, pero bahagi lang iyon ng mas mahalagang leksiyong natutuhan
ko sa Telon, ang kung paano mabuhay.
Sigurado akong may mga darating pa akong bagong kaibigan at ibang
samahan, pero lagi ko silang susukatin sa pamantayan ng Telon. Bagaman
alam kong hindi mapipigilan dahil itinalaga ng buhay, lihim kong idinarasal
na sana’y huwag agad bumaba ang Telon.
Ika-17 ng Nobyembre 2007
Mula sa:
http://renevillanueva.blogspot.com/2007/11/kumpisal-ng-isang-guro-bilang-mag-aaral.html
Imahen mula sa http://loisatriestowrite.blogspot.com/2011/03/