Akda

Biyaheng Porvenir 4: Ang pagsasabuhay ng mundo ng komedya

Ang teatrong komedya o moro-moro ang mundong ginagalawan nina Andres Bonifacio, Aurelio Tolentino at Macario Sakay. Sila ang ang tatlong pangunahing tauhang ipinagsama ko sa tropang pangkomedya ng mga magkapatid na Bonifacio na Teatro Porvenir. Maaaring mali ako pero taga Trozo sila sa Tondo kaya ko naisipang gawing silang magkatropa. Ito ay dahil sa naging malaking papel nila sa teatro ng himagsikan na sa palagay ko ay hinubog ng entablado.

Ang mundo ng dulaang komedya ay di ko makikilala kung wala ang mga aklat at pananaliksik ni Nicanor G. Tiongson. Bibiliya ko sa pagsulat ng dula ang Kasaysayan ng Komedya sa Pilipinas: 1766-1982. Malaki ang naging ambag nito sa bisuwaliseysyon ko ng dula. Matagal kong kinikilatis noon at ikinatutuwa ang larawan sa pabalat, at pabalat pa lamang iyon!

Publikasyon ng Integrated Research Center, De La Salle University, 1982 (Imahe mula sa CCP Encyclopedia of Philippine Art online edition 2020)

Sa dami ng aklat niya sa komedya, pinakamahalaga sa akin ang unang aklat na ito dahil sa kabuuang pagpresenta ni Dr. Tiongson sa matandang mundo ng komedya, sa pagtuon ng pansin sa anyong hindi binibigyan ng halaga sa ating “modernisadong” pag-iisip. Inayos at binigyan niya ng pagpapanahon ang kasaysayan nito. Lumitaw din sa aklat ang mga munting mga paglalarawan o anecdotes. Maraming mga pangalan ng mga teatro at lunan na ginamit sa dula ay hinango ko rito. Ang mga kumbensyon ay nabigyan ng nakatutuwang detalye, tulad, halimbawa, ng maskara ng leon na ang buhok pala ay gawa sa abaka.

Mahalaga ang paglakip niya ng isang kumpletong iskrip ng komedya sa dulo ng aklat. Nakita ko ang patulang daloy ng dayalogo at kakaibang mga direksyon na may mga martsa pa. Dahil sa aklat naaninag ko ang mga posibilidad para sa nais kong isulat na dula.

Natutuwa akong nakahanap sa internet ng isang hi-res na bersyon ng imahen sa pabalat. Kinilatis ko pa ito lalo. Isa itong wood engraving na dinagdagan pa ng pinturang watercolor. May petsa na 1893. Likha ng isang dayuhang ilustrador–ang proporsyon ng mga moromorista ay klasikong Kanluranin at ang bandang katutubo ay mukhang depiksyon ng mga taga-Kanluran ng mga Aprikano!

Mas kita ang ilang detalye sa manipis na pagkulay dito. Makikita ang pamamaraan ng pag-iilaw sa bandang kanang itaas. Mula sa ateneobluesound.wixsite.com
Makapal ang pagkakapinta para mas mukhang totoo. “Drame et Ballet au Theatre d’Albay ni Dessin de Dosso.” Hand-colored wood engraving. Mula sa ‘Nouvelle Geographie Universelle’ Paris, 1893. 21 x 15 cm. Mas buo ang itaas kaysa sa naunang litrato pero putol ang kanang bahagi. (May watermark mula sa gop.com.ph)

Tapos ay lumitaw ang isang tunay na retrato ng palabas na komedya na ginaganap sa isang teatrong gawa sa kawayan sa Taguig. Una ko itong nakita sa Tuklas Sining, isang aklat ng CCP. Nanlaki ang mata ko noong nakita ito dahil panahon ito ng Katipunan. Nakikita ko nang tumatawid sina Bonifacio, Sakay at Tolentino sa kawayang teatrong ito!

Komedya performance, Taguig, Morong (later Rizal), 1899 (Colorized by Joel P. Bermudez, Mario Feir Filipiniana Library)” Tulad ng mga naunang larawan, kawayan ang sahig ng entablado. Ang retratong ito ang naging frontispiece ng bolyum sa Teatro ng CCP Encyclopedia of Philippine Art. Ito rin ang thumbnail button sa online edition na kalalabas lamang. Litrato mula sa CCP EPA online edition 2020

Siyempre, konektado ang lahat nang ito kay Dr. Nicanor G. Tiongson, ang dating CCP Artistic Director na nagtakda ng landas ng kulturang Pilipino sa panahon pagkatapos ng 1986 EDSA Revolution.

Ang totoo’y, di tulad ng mga mandudula sa rehiyon, ay wala po akong kaalam-alam ukol sa komedya. Kung hindi dahil sa pagdadalubhasa ni Dr. Tiongson dito ay hindi aandar ang imahinasyon ko.

Marami pong salamat, Doc Nic!

(Maaaring mapanood ang “Teatro Porvenir” sa https://www.youtube.com/watch?v=ydV44AfIw-k)

Dr. Nicanor G. Tiongson at Tim Dacanay, sa launching ng CCP Encyclopedia of Philippine Art, 2nd edition. Ika-28 ng Nobyembre 2018 sa CCP Tanghalang Nicanor Abelardo Lobby.