Biyaheng Porvenir 2: Mula iskrip tungo entablado
Pinaalala sa fb na walong taon na ang nakaraan nung pinarangalan ang unang antolohiya namin sa Telon. Nanalo ito ng National Book Award noong 2012. Ambag ko sa aklat ang dulang “Teatro Porvenir.”

Mahaba-haba ang biyahe ng dula. Hindi ito madaling masaentablado dahil sa laki ng cast nito. May mga pagtatangka: nabigyan ng staged reading sa Virgin Labfest, pinalabas sa klase ng mga theater arts sophomore ng PUP, at may staged reading din ng Destiyero Theater Commune sa pakikipagtulungan sa PETA Writers Pool sa SDA Blackbox ng Benilde. Eto ang litrato.

Noong 2013 nakatanggap ako ng tawag kay Floy Quintos. Kinakalap niya ang mga dula ukol kay Bonifacio para sa selebrasyom ng UP ng ika-150 taon o Sesquicentennial ng pagkapanganak ng Supremo. Nalaman niyang may sinulat akong dula ukol kay Bonifacio at hiniling niya itong mabasa. Binigay ko ang aklat sa kanya. Dinaanan pa niya sa eskwela ko sa Benilde.

Noong nabasa niya at nalamang di pa ito naisasaentablado ay nirekomenda niyang ito na lamang ang gawin ng Dulaang UP. Hindi na niya itinuloy ang paglilikha ng obra mula sa mga nakalap na dula ni Bonifacio. Paumanhin sa mga mandudulang naapektuhan nitong desisyon–at salamat kay Floy sa pambihirang pagkakataong ibinigay na ito sa akin, lalo na’t panahon ito ng pagbuhos ng mga magagarang obra niya sa DUP. At ganoon-ganoon na lang, ang kalbaryo ng dula mula iskrip tungo sa isang propesyunal na produksyon ay natapos na. Nangyari nang dahil din sa Supremo.
Ngayong naglalabas ng video ng mga produksyon ang DUP ay ipinakiusap ko kay Banaue Miclat -Janssen na gawin ito sa Araw ni Bonifacio ngayong darating na Lunes, ika-30 ng Nobyembre 30, 2020.
Ipagdiwang natin ang buhay ng Supremo sa naging obrang pantanghalan nina direktor Alex Cortez at mga propesyunal at estudyanteng mga aktor at taga-disenyo sa sining ng tanghalan.

Mabuhay kayo! Mabuhay ang sining ng dula! Mabuhay ang Inang Bayan!