Akda

Biyaheng Porvenir 1: Ang kapangahasan sa dulang pangkasaysayan ni Rene O. Villanueva

[Ang Biyaheng Porvenir ay isang serye ng mga post na tutungo sa pag-launch online ng Dulaang UP ng dula kong “Teatro Porvenir.” Abangan natin sa Araw ni Gat. Andres Bonifacio sa ika-30 ng Nobyembre 2020.]

Nais kong pasalamatan ang naging guro ko sa pag-iisip at pagsulat sa dulang pangkasaysayan, walang iba kundi si si Rene Villanueva. Marami akong nasabi na at masasabi pa kay Rene, na founder at artistic director ng Telon Playwrights Circle, kung saan ako sumapi noong estudyante sa UP. Sa kanya nagsimula ang pagsulat ko ng dula. Higante siya ng dulaang Filipino. Yumao siya noong dulo ng unang dekada ng milenyo ngunit nakikitaan pa rin ng saysay sa kasalukuyan ang mga dula niya. Patuloy itong ipinalalabas, lalo na sa mga unibersidad. Mapalad kami sa Telon Playwrights Circle (at Writers Bloc) na tinutukan ni Rene ang pagsulat naming mga kabataan. Ang resulta ay ang pagyabong ng mga kabataang pursigido magpatuloy ng tradisyong ito ng panitikan at dulaan.

Nakahahalina ang mga dulang historikal ni Rene. Dahil masipag siyang magsulat ay marami ito. Bunga marahil ng kanyang pagiging History major sa Lyceum. Noong panahon ng pagsasama namin sa Telon ay mga dulang sinusulat ito dahil sa iba’t ibang dahilan, may kinomisyon, may ilalaban sa kompetisyon. Hindi tinutukoy ito na dulang historikal, o anuman, liban lamang kung kung ito’y isang musical o dulang pambata. Dahil na rin ito sa paninindigang may pare-parehong pamantayang pamapanitikan ang mga dulang wino-workshop namin sa Telon.

Ang dulang pinakamalapit sa “Teatro Porvenir” ay ang  ang isang yugtong dula ni Rene na “Huling Gabi sa Maragondon.” Nung nabasa ko ito ay natuwa ako sa kakaibang atake sa paksa ng mga huling araw ni Andres Bonifacio. Ni hindi lumitaw ang Supremo sa dula. Ngunit ramdam na ramdam mo siya sa desperasyon ng asawa niyang si Gregoria de Jesus na makipagkita kay Emilio Aguinaldo upang paki-usapang huwag pahirapan ang kanyang sugatang asawa. Isang malaking leksyon ang dula sa tinaguriang dramatic irony ng mga Griyegong mandudula. Alam mo na ang kasasapitan ngunit kasasabikan mo pa rin ang ipinapalabas sa entablado dahil sa sining ng mandudula. Kahanga-hanga para sa akin ang pagpili ng piksyunal na situwasyong hitik sa dramang nagsimula in media res. Imbensyon niya ang situwayong ito ngunit nailalabas ni Rene ang mga kaisipan at diwa ng mga tauhang historikal, at nabibigyan tayo ng pagkakataong maintindihan ang mga pangyayari na bago rito ay mga walang kabuhay-buhay na mga datos na lamang ang inaaral sa paaralan. Alam natin na ipinag-utos na patayin ng Presidente ang Supremo ng Katipunan. Bilang mandudula hinanap ni Rene ang drama ng sandaling iyon ng kasaysayan at natagpuan niya ito hindi sa paghaharap ng dalawang pangunahing tauhan kundi sa pagpapakita sa mga maaaring ginawa ng asawa para sa kanyang tao. Iningatan ni Rene na gumawa ng dula ukol sa kasaysayan na hindi bumabangga sa mga datos ng kasaysayan. Ginamit niya ang parehong batis ng mga historyador–malamang ay ang mga inakda nina Aguinaldo at Oryang– at pinunan ang mga puwang sa kasyasayan. Nagresulta ito sa isang trahedyang nagbibigay boses sa mga inapi: sa kababaihang pinatahimik at sa inetsepuwera at pinaslang sa digma, Nangyari kaya ang paglapit ni Oryang? Kung nangyari man ito ay malamang ganito iyon. Inangkin ng mandudula ang hamon ng pagrespeto sa buhay ng mga totoong tauhan at sa makasining niyang pamamaraan ay binigyan ng linaw ang buhay nila sa mga manonood ng kasalukuyang panahon.

Marami pa siyang naisulat na dulang pangkasaysayan na kabigha-bighani. Tulad ng monologo na “Tonyo” ukol kay Hen. Antonio Luna na napanood ko sa orihinal na produksyong “Tonyo, Pepe, Pule”  ng Tanghalang Pilipino;, “Botong,” ukol sa pagtawid sa kabilang buhay ng pintor na si Carlos “Botong” Francisco (napanood ko ang original na produksyon sa TP–at nakalulungkot na wala nang ibang sumunod), at ang dula niya ukol sa historiograpiya at ang ginawa ni Jose Marco rito, ang “Kalantiaw,” na napanood ko sa Tanghalang Ateneo kamakailan. Lahat ito ay kamangha-manga at  pruweba ng kapusukan at imahinasyon ng isang tunay na manlilikha sa sining ng teatro, isang manunulat na may di-kakarampot na pagmamalasakit sa kanyang kayumangging bayan.

Jose E Marco sa Kalantiaw. Kuha ni Adrian Begonia para sa Entablado (Mula sa ateneo.edu.)

P.S. Silaw na silaw ako noong nanalo sa Palanca at nakatuntong sa hotel na dinarausan ng seremonya. Di ko malimutang nilapitan ako ni Rene pagkatanggap na pagkatanggap ko ng premyo mula sa entablado. Hinila niya ako upang magpakuha kami ng litrato. Tinanong niya pagkatapos kung tungkol saan ang dula ko. (Matagal kasi akong pumirme sa Davao kung saan ko nasulat ang dula.) Ang sabi ko ay tungkol kay Andres Bonifacio bilang isang theater artist kasama sina Macario Sakay at Aurelio Tolentino sa grupong pang-komedya na Teatro Porvenir. Tila nagulat siya nang sandali at parang, kung iisipin ko ngayon, napamura rin nang tahimik. Nagkaroon malamang siya ng ganoon ding ideya para sa isang dula. Tinanong niya kung anong dula ang ipinalalabas ng Teatro Porvenir at sinabi kong “Bernardo Carpio.” Napatango siya. Sa sandaling iyon, nang naramdaman ko ang tuwa at paghanga ng ama ko sa panitikan, ay nawalan ng kinang para sa akin ang Palanca.