Memorya

Una kong memorya sa Telon

Nasa kolehiyo ako noon, student assistant sa Filipino Department sa Faculty Center sa UP. Ang sekretarya ay si Ma’am Au at ang chair ay si Dr Rose Torres-Yu. May isang empleyadong staff na si Eddie yata ang pangalan. Nakita ko ang maraming Rizal: Contrary Essays ni Pete Daroy sa bodega at binigyan ako ni Eddie ng isang kulubot na kopya minsang nag-mimeo kami doon. Nakita ko rin ang Revolt of the Masses ni Agoncillo bilang isang luma at makapal na volume ng Philippine Social Sciences and Humanities Review. May ganun pala. Mga tambak ito ng libro ng faculty. Naka-istamp ang pangalan ni Dr. Patricia Melendrez Cruz.

Nakakatuwang makita ang mga faculty doon na titser ko rin at makilala ang ibang mga guro. Naaalala ko sina Ma’am Pam Constantino, Jess Ramos, Roger Sicat, Apo Chua, atbp.  Minsan dumaan si Pere Daroy. Minsan din dumaan si Dr Nicanor Tiongson.

Pero ang ikinatuwa ko ay ang magkaibigan at FC roommate na mga mandududula na sina Rene Villanueva at Rollie Dela Cruz. Naging guro ko na si Rollie sa P.I. 100. May pa-workshop sila noong summer na iyon na Basic Playwriting at inimbita nila ako na walang kamuwang-muwang sa malikhaing pagsulat. Nalaman kong applicants workshop pala iyon ng grupo nilang Telon Playwrights Circle. May tatlong aplikante na sina Catherina Ma (Tingting) Calzo, Diane Decena at Alice Cabotaje. (Nalaman ko na si Diane pala ay  kaeskwela ng kapatid kong bunso at kasama sila sa musical na The Cobbler.)

By default naging aplikante na rin ako ng Telon. Naaalala kong isang gagawin namin ay pumunta sa isang event sa probinsiya noong anibersaryo ng panganganak ni Balagtas at di ko napuntahan pero napuntahan nina Tingting na kung saan nagbitbit pa sila ng placard ukol sa wika.

Ang nakatapos ng dula sa workshop na iyon ay si Tingting lamang. Ito ay ang Kuwerdas na kaagad iprinodyus nung nakakuha ng production grant ang Telon sa CCP. (Ang poster ng grant na ito na idinisenyo ni Rene ay pinili 2019-20 sa Posterity exhibit sa CCP. Ito ang nasa litrato.) Si Elmar Ingles, isa sa mga founding member ng Telon, ay nagprisinta agad na magdirek nito at nagprisinta din akong umarte. Ang Kuwerdas kasi ay ukol sa mga kabataang aktibista, na milieu noon nina Elmar at ni Tingting. Naisip kong mas marami siguro akong matututunan sa bagong interes ko sa pagsulat ng dula kung sasali ako sa teatro bilang aktor. Natuwa akong pinayagan ako nina Rene at Rollie, na presidente noon ng Telon, kahit walang karanasan. Sa CCP Bulwagang Gantimpala (ngayo’y Tanghalang Batute) naganap ang produksyon. Twinbill iyon ng Kuwerdas at Kaaway sa Sulod, nina Rene at Rollie, na galing sa isang matagumpay ng produksyon sa UP. (Nag-sponsor pa nga kaming magbabakarda sa klase ni Rollie sa PI 100–sina Fatima Gimenez at Mael Cautivar–ng isang palabas na awa ng Diyos ay naka-break-even.)

Co-actor ko sa produksyon ang aking future-wife na si Gamay Arkoncel, na magi-introduce sa akin sa isang mas malaking mundo ng teatro, ang grupo niyang PETA. Natuwa na ako at naligaw sa mundo ng dula.