Akda

Biyaheng Porvenir 3: Ang dulang nagmula sa footnote ni Agoncillo

(Panoorin ang “Teatro Porvenir” sa https://www.youtube.com/watch?v=ydV44AfIw-k)

Ang paghahanap ng mga puwang sa kasaysayan at ang pagbibigay ng makasining na pagbuhay rito ang naging mahalaga sa aking pagsulat. Naging interesado ako sa pagsagot sa bakit at papaano. Isang mahalagang rebelasyon ang footnote ni Teodoro Agoncillo sa “The Revolt of the Masses” na may grupong pangkomedya ang mga magkapatid na Bonifacio. May banggit din ang historyador sa interview sa kanya ni Ambeth Ocampo na sa komedya maaaring nangyari ang radikalisasyon ni Bonifacio. Tapos ay naglabas si Jim Richardson ng listahan ng mga sumapi sa pagsigaw sa Balintawak, at nakita kong kasama roon sina Macario Sakay at Aurelio Tolentino. Halos nagtatanghal na ang mga tauhang ito sa entablado. Siguro’y may magsusulat rin nito kung hindi ako, kaya’t inunahan ko na sila. Binasa ko ang lahat ng mababasa at sinulat ang kanilang mga tagpo….

Naging mahalaga ang mga ambag ng mga guro ko sa Kasaysayan sa kolehiyo sa UP. Sila ang nagpaalab ng interes ko rito. May isang kurso ako kay Dr. Jaime Veneracion at tatlo sa isa pang alagad, ang nasa litrato….

Tim Dacanay at Dr. Zeus Salazar sa Chocolate Kiss coffee shop. University of the Philippines, Diliman, Quezon City. Ika-13 ng Setyembre 2019. Kuha ni Buch Dacanay

Lampas isang taon na nung nadatnan ko sa Chocolate Kiss coffee shop sa UP Diliman si Dr. Zeus Salazar. Nagpaunlak siyang makipapagkamustahan at magpakuha ng litrato kahit abala sa pagsulat.

“Eto, buhay pa,” ang masayang tugon niya sa aking kamusta-na-po-kayo. Kakaibang tuwa ang makita mo ang guro mo na nasa paaralan pa ring iyon pagkaraan ng maraming dekada. Nagkaroon ng munting selebrasyon sa utak ko.

=====

Minsan ay nanghimasok ako sa mga klase niya sa historiograpiya at mula noo’y di na inalis ang lenteng pangkasaysayan sa aking kamalayan.

Salaysay na may saysay… Pagpapanahon…Kaganapan-batis-hangganan…Dokumento, datos…Kritisismong panlabas at panloob nina Langlois at Seignobos…Kuwantitatibo at kuwalitatibong kasaysayan…Pilosopiya ng kasaysayan nina Toynbee, Marx, Ibn Khaldun, de Chardin…Inobatibong saliksik nina Ladurie at ng Annales…Pati nobela ni John Le Carre na “A Small Town in Germany.”

Pinakatatangi kong alaala ay nang tumakas ako sa pamantasan sa Diliman at tumawid sa entablado ng Raha Sulayman sa Intramuros ay naabot pa rin ako ng kanyang mahabang anino:Umarte ako bilang hamak na sundalong walang linya sa dula niyang “Ang Pagguho ng Troya” ng PETA. Salin niya ito ng “Der Untergang” ni Walter Jens na Alemang adaptasyon ng “Trojan Women” ni Euripides. At nasa cast list pa ako ng aklat!

Disenyo ng pabalat (at gayundin sa poster) ni Brenda Fajardo na nasa estilong “red-figure” ng sinaunang seramikong Griyego
Pahina sa aklat ukol sa produksyon ng PETA.

Hanggang ngayon, sa pagsaliksik ko sa dulaan man o sa grafikdesayn, ay ang pinakamahalagang akdang natutuklasan ko ay yaong sa kanya, matagal nang naisulat at hinihintay lamang na mabuklat.

Kamangha mangha!

Ang sulatin niya sa babaylan ay batayan sa pag-aaral ko ng babaylang Ynangbayan ng “Kahapon, Ngayon, at Bukas.”

Sa paghahanap ng mga sinaunang simbolo natuklasan ang mga simbolo ng Boord sa mga anting-anting na nakasingit sa pag-aaral niya kay Emilio Jacinto.

Ngayong nagbababad sa Baybayin ay bigla kong naalala ang pagkamangha, ilang dekada na ang lipas, sa mga minamarkahan niyang sulatin ng mga estudyante sa bahay niya sa Area kung saan kami nagtitipon sa ikalawang semestre sa historiograpiya—mga sulatin na nasa Baybayin, binuhay niya na sa mga klase niya noon!

Para sa saliksik sa dulang “Teatro Porvenir,” ang pagpaplano ng tahasang atake sa Intramuros na dadaan pa sa kalye namin sa San Marcelino ay mula sa pag-aaral niya sa ating Supremo.

Isa siyang higanteng intelektwal ng bayan. Marami pong salamat sa pagsilay ng inyong dunong sa buong bayan, may bagyo ma’t may dilim.

Hayaan ninyo, Dr. Zeus A. Salazar, ilalaban natin ang una at huling laban para sa Wika. Umasa tayo na yayabong ang mga itinanim. Mabuhay kayo at maraming salamat po!

(Unang ipinost sa fb noong ika-30 ng Nobyembre 2020. Iba na ang litrato ng may-akda at ni Dr. Salazar dito.)