Ang Telon Playwrights Circle

Noong sembreak ng 1983 nagpasimuno ang University Student Council ng UP, sa ilalim ni Lean Alejandro, ng malawakang USC Cultural Workshop. Ginanap ito sa kabuuan ng ikalawang palapag ng Vinzons Hall sa UP Diliman. Para sa Playwriting, kinuha ng cultural affairs officer na si Malu Maniquis ang guro niya sa Filipino 12 na si Rene Villanueva. Nakapagpalabas pa ng showcase ng mga playlet sa UP Faculty Center ang mga lumahok na tuluyan nang naging magkakalapit na kaibigan. Sa mga susunod na linggo itatatag nila ang Telon Playwrights Circle kasama si Villanueva bilang tagapayo.

“Sobrang dami na kasing magagaling na makata sa GAT, ang unang grupo ni Rene, kung kaya’t naghanap siya ng ibang drama,” pabirong pagdadahilan ng mga naunang kasapi. Kasama rito sina Donato Mejia Alvarez, Romulo P. Baquiran, Jr., Rolando S. Dela Cruz, Elmar Beltran Ingles, Nicolas B. Pichay, Maripaz Luna-Severino, Erik Rosales at Luna Sicat-Cleto. Dahil bukas sa publiko ang kada susunod na Sabadong pagkikita, naging kasapi kalaunan sina Butch Concepcion, Rosemarie Santos, Rosalinda Mendigo, Charley dela Paz, Auraeus Solito, at iba pa. Nagkaroon ng hindi lamang pang-UP na karakter ang grupo.

Malawakan naman talaga ang hangarin ng Telon. Noong 1986, sa una nitong produksiyon, isinaad sa programa na “tinuturon ng organisasyon ang: pagtulong sa kabataang mandudula sa layon na mapataas ang sining pandulaan kasabay ng pagtugon sa pangangailangan at mithiin ng mga Pilipino.” Naniniwala rin sila na dapat magkaroon ng aktibong bahagi ang mga mandudula sa pagbuo ng isang pambansang kultura.


Sa kabilang dako, hindi rin naman mapigil ang pagbibiro. “We always need a climax,” ang tinaglay nilang motto.

Sa mga pagkikita magaganap ang pag-aaral ng mga klasikong dula, mga talakayan at panayam sa mga beteranong mandudula, at pinakamahalaga, ang pagsasalang ng mga dula ng mga kasapi. Sa kalaunan, marami sa mga dulang na-workshop sa Telon ang magtatagumpay sa timpalak pampanitikan ng Palanca at Cultural Center of the Philippines.

Noong 1986, upang lalo pang mapalalim ng mga miyembro ang kaalaman sa dula, sumabak ang grupo sa produksiyong panteatro. Isinaentablado sa UP Engineering Theater ang twinbill ng Patay na si Sizwe Bansi ni Athol Fugard, salin ni Romulo P. Baquiran, Jr., at Kaaway sa Sulod nina Rene O. Villanueva at Rolando S. Dela Cruz. Ang produksiyon ay binigyan ng prominenteng rebyu ni Mozart Pastrano sa The Manila Chronicle noong Disyembre 1986 at sa sumunod na taon hinirang sa The Manila Chronicle Citations for Excellence in Theater” ang mga mandudulang Villanueva at Dela Cruz para sa Outstanding Script at ang direktor na si Chito Jao para sa Fine Direction. Isa pang dula ng Telon ang nagkamit ng papuri, ang Makinig Kayong Mabuti Mga Kaibigan, Mayroon Kayong Dapat Malaman ni Butch Concepcion (Outstanding Play, Fine Acting, Imaginative Lighting Design). Itinanghal ito ng Bulwagang Gantimpala bilang bahagi ng pagpapanalo ng unang gantimpala sa Gawad CCP para sa Panitikan.

Noong 1987 ay nagkaroon ng summer workshop para sa mga aplikante at naging produkto sina Catherina Ma. Calzo at Tim Dacanay. Sa taon ding iyon ay nagawaran ang Telon ng isang production grant sa CCP at naipalabas sa CCP Tanghalang Huseng Batute ang twinbill ng Kuwerdas ni Calzo at muli ang Kaaway sa Sulod nina Villanueva at Dela Cruz. Sa sumunod na taon ay naging kasapi sina Noel Ramiscal at Elmer Gatchalian. Sinimulan din nina Villanueva at Dacanay ang pagplano ng antolohiya ng grupo.

Sa pagturo ni Villanueva ng summer playwriting workshop sa CCP noong 1989, nakilala niya at inimbitang dumalo sa Telon ang mga estudyante at kalauna’y kasapi na sina Jose Bernard Capino, Rodolfo Lana, Jr., Christopher Martinez at Cecille Gonzales. Noong taong iyon isinagawa rin ng grupo ang National Conference on Playwriting sa National Arts Center sa Laguna.

Sa dekada 90, sa paglagas ng kasapian, sasali ang mga naiiwang Telonista, kasama si Villanueva, sa Playwrights Development Program ng Philippine Educational eater Association, ang grupong sa kalauna’y magiging Writers Bloc, Inc.

Noong 2005 pinamunuan nina Villanueva at Baquiran ang reorganisasyon ng Telon bilang korporasyon. Noong Disyembre 2007, nakipagkita si Villanueva kay Dacanay para buhayin ang proyektong antolohiya. Napagkasunduang isusulat ni Villanueva ang paunang salita. Sa pagkamatay niya sa buwan ding iyon matatagpuan ang paunang salita sa kanyang blog, sinulat niya mismo sa araw ng pagkikita nila.

Sa taong 2008, nagkaisa ang mga naunang kasapi na buuin muli at payabungin pa lalo ang Telon.

Talaan ng ilang dula ng Telon:


Kaaway sa Sulod nina Rene O. Villanueva at Rolando S. Dela Cruz *
Patay na si Sizwe Bansi ni Romulo P. Baquiran, Jr. (salin ng
Sizwe Bansi is Dead ni Athol Fugard)
Dalawa ni Luna Sicat-Cleto
Sa Huling Gabi ng Palabas ni Rolando S. Dela Cruz **
Makinig Kayong Mabuti, Mga Kaibigan, Mayroon Kayong
Dapat Malaman ni Butch Concepcion *
Koloring Koloraw: Kuwentong Akabaw ni Nicolas B. Pichay *
Baby B. ni Rene O. Villanueva
Mabuhay ang Pangulo nina Rene O. Villanueva at Rolando S. Dela Cruz
Asawa nina Rene O. Villanueva at Rolando S. Dela Cruz **
Gamugamo sa Kanto ng East Avenue ni Rolando S. Dela Cruz **
Maternal ni Luna Sicat-Cleto *
Sulok ni Maripaz Luna-Severino
Bagahe ni Luna Sicat-Cleto
Batang Hiroshima ni Butch Concepcion *
Balat ng Dalandan ni Maripaz Luna-Severino
Esprit de Corps ni Auraeus Solito
Dura Lex Sed Lex ni Nicolas B. Pichay
Kuwerdas ni Catherina Ma. Calzo
Sa Tambakan ng mga Laruan ni Tim Dacanay
Si Boyet at ang Batang Maya ni Rolando S. Dela Cruz *
Uyayi ng Ulan ni Nicolas B. Pichay *
El Fili ni Tim Dacanay
Ulap ni Noel Ramiscal
June and Johnny ni Rodolfo Lana, Jr. **
Ambon ng Kristal ni Elmer Gatchalian **
Serbis ni Elmar Ingles
Teatro Porvenir ni Tim Dacanay **
Pamantasang Hirang (Sa Dilim Man) ni Tim Dacanay

* Nagwagi sa Gawad CCP para sa Panitikan
** Nagwagi sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature

Mga kasapi na nasa Palanca Hall of Fame:

Rene O. Villanueva

Rodolfo Lana, Jr.

Nicolas B. Pichay

Mula sa aklat na: Telon: Mga Dula. Maynila: Pambansang Komisyon para
sa Kultura at mga Sining, 2011 (pah 185-188)

Imahen mula sa aklat, pah 186